Photo courtesy of Senate of the Philippines
Pansamantalang itinigil na muna ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensya at testigo kaugnay ng Article 1 ng Articles of Impeachment o ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.
Sa day 23 ng Impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong martes, pinahayag ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na hindi na nila itutuloy ang pagsalang ng mga naunang testigong pinatawag nila ngayong araw kabilang sina Police Major Jocelyn Magay, DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda, at Commission on Audit (COA) ICFAO Head Bresilio Sabaldan.
Sa halip, sa susunod na Linggo o simula sa Lunes ay ang Article 2 o ang usaping tungkol sa unexplained wealth na ng Bise Presidente ang iprepresenta ng prosekusyon.
Gayunpaman, nilinaw ni kapunan na hindi pa nila tuluyang isinasara ang pagtalakay sa Article 1 dahil babalikan nila ang usaping ito kapag pina-subpoena o pinatawag na nila si Vice President Sara Duterte. At sa iba pang alegasyon laban sa kanya.
Kinumpirma naman ni Presiding Officer Chiz Escudero na prerogative o desisyon ng prosekusyon ang magiging ayos ng presentasyon ng kanilang kaso.
Pero dahil kailangan ng 5-day notice para ipaalam sa depensa ang mga testigo at ebidensyang ihaharap ng prosekusyon, walang magiging trial bukas at binibigyan ang prosekusyon ng hanggang bukas para isumite ang pangalan ng mga ipapasubpoena nila para sa trial sa Lunes. Ang tanging schedule bukas ay marking ng evidences para sa article 2 (unexplained wealth).