Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ayusin at palawakin ang benefit package para sa mga may Autism Spectrum Disorder (ASD).
Ito ay matapos malaman ng senador na 482 claims lamang ang nabayaran ng PhilHealth para sa autism care mula nang ilunsad ang programa noong 2017.
Ayon kay Villanueva, hindi sapat ang isang programa na nasa papel lamang kung hindi ito nararamdaman at napapakinabangan ng mga pamilyang nangangailangan.
Kinuwestyon din ng senador ang kasalukuyang coverage ng PhilHealth, na umaabot lamang sa 90 therapy sessions, habang ₱3,000 hanggang ₱5,000 lamang ang halaga ng assessment para sa ASD, malayo umano sa aktuwal na gastos ng mga pamilya para sa diagnosis.
Iginiit ni Villanueva na kailangang tugunan agad ang problema dahil limang health facilities lamang sa buong bansa ang kasalukuyang accredited ng PhilHealth para magbigay ng autism-related services.
Samantala, una nang sinabi ni PhilHealth President at CEO Dr. Beverly Lorraine Ho na maglalabas ang ahensya ng updated benefit policy bago matapos ang taon, na magdodoble sa package rate at sa bilang ng mga covered consultation.
Pinaplano rin ng PhilHealth na gawing mas accessible ang serbisyo sa pamamagitan ng accreditation ng occupational at speech therapists batay sa kanilang practice, kahit wala silang fixed clinic.
Binigyang-diin din ni Villanueva ang kakulangan sa occupational therapists, physical therapists, at speech-language pathologists sa bansa.
Giit ng senador, hindi sapat ang batas lamang para matugunan ang pangangailangan ng mga batang may autism at kanilang mga pamilya. Kailangan aniyang gawing mas viable ang local na practice ng mga therapist upang mahikayat ang mga health professional na manatili at magtrabaho sa Pilipinas.