Umaasa si Senate President Sherwin Gatchalian na matatapos na ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago sumapit ang Disyembre, kasunod ng pag-drop ng prosecution sa hindi bababa sa 18 testigo.
Ayon kay Gatchalian, malaking bagay ang desisyon ng prosecution na bawasan ang kanilang mga testigo dahil malaking kabawasan ito sa timetable ng paglilitis.
Mayroon aniyang bagong schedule kung saan may 10 araw na full-day impeachment proceedings ang nakalaan matapos ang declaration of briefs.
Umaasa si Gatchalian na maaaring umabot sa dalawa o tatlong testigo kada araw ang maiharap nila sa pamamagitan ng bagong schedule na ito.
Matapos ang prosecution, susunod namang ihaharap ng defense ang kanilang mga testigo.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na nakadepende pa rin ang timeline sa bilang ng mga testigong ipi-presenta ng defense.
Pero binahagi ng senate president na nadinig niyang posibleng magbawas din ang defense ng kanilang mga testigo, batay sa kanilang disclosure.
Sa kabila nito, nilinaw ni Gatchalian na target pa lamang ang naturang timeline. Pero sa ilalim ng bagong timetable, umaasa ang Senate President na matatapos ang impeachment trial bago o pagsapit ng Disyembre, kabilang na ang pagbibigay na nila ng verdict sa kaso.