Screenshot
Nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga residente ng Visayas hinggil sa posibleng pagpapatupad muli ng rotational brownout o Manual Load Dropping (MLD).
Ito’y dahil sa nananatiling manipis ang suplay ng kuryente kaya’t muling itataas ang RED at YELLOW Alert sa naturang grid.
Batay sa abiso ng NGCP, 6 na oras iiral ng RED Alert mula alas-3 mamayang hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Pero ala-1 pa lamang ng hapon mamaya, nakataas na ang YELLOW Alert na tatagal hanggang alas-3 ng hapon at masusundan naman ng alas-9 hanggang alas-10 ng gabi.
Nabatid na 9 na planta sa Visayas Grid ang bagsak habang 14 na planta naman ang gumagana subalit nananatiling nasa derated capacity o kapos sa suplay ng kuryente.
Samantala, 7 oras naman isasailalim sa YELLOW Alert ang Mindanao Grid mula ala-1 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi mamaya.
Bagsak kasi 17 planta sa Mindanao Grid habang 7 planta naman ang gumagana subalit nasa derated capacity o kapos din sa suplay ng kuryente.
