Photo courtesy of the Film Development Council of the Philippines
Sa bawat patak ng luha sa mga melodrama, sa bawat hiyaw sa mga bakbakan, at sa walang kapantay na halakhak sa mga komedya, ang pelikula ay nagsisilbing malinaw na salamin ng kulturang Pilipino. Ngayong buwan ng Setyembre, muling nagbubukas ang tabing para sa Philippine Film Industry Month (PFIM).

Sa pangunguna ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), ang taunang pagdiriwang na ito ay hindi lamang pag-alala sa makulay na kasaysayan ng ating sinehan kundi isa ring matibay na patotoo na buhay na buhay ang industriya sa kabila ng mga makabagong hamon.
Ang pagpili sa buwan ng Setyembre bilang buwan ng pelikula ay may malalim na kasaysayan. Noong Setyembre 12, 1919, ipinalabas ang “Dalagang Bukid” ni Jose Nepomuceno—ang kauna-unahang pelikulang likha ng isang Pilipino.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1085 noong 2021, opisyal na itinalaga ang buwang ito upang bigyang-pugay ang kontribusyon at sakripisyo ng mga direktor, manunulat, artista, at mga manggagawa sa likod ng kamera na patuloy na nagbibigay-buhay sa ating mga kuwento.
Sa pagdiriwang ngayong taon na may temang “Pelikula: Ginintuang Ikalawa,” binalikan ng industriya ang makasaysayang Second Golden Age ng Philippine Cinema noong dekada ’70 at ’80. Binuksan ang buwan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng 4K digitally restored version ng obrang “Tinimbang Ka Ngunit Kulang” ng Pambansang Alagad ng Sining na si Lino Brocka sa Red Carpet Cinema sa Shangri-La Plaza.

Bibida rin sa selebrasyon ang pagpapalabas ng mga Digitally Restored Classics, paglulunsad ng PFIM Short Film Competition at ng Sine Kabataan 2026 na layong bigyang-daan ang mga sariwang kuwento mula sa mga kabataang direktor at animator, at pagdaraos ng mga film workshops at masterclasses at ng Film Education Convention upang gabayan ang susunod na henerasyon ng mga kuwentista.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nakipagtulungan ang iba’t ibang sektor para sa isang malawakang National Cinema Day celebration ngayong Setyembre 12 upang anyayahan ang milyun-milyong Pilipino na bumalik sa mga sinehan sa bansa.

Sa mga aktibidad tulad ng libre at murang pagpapalabas ng mga klasikong pelikula sa mga FDCP Cinematheque Centres sa buong bansa, muling inilalapit ang sining sa masang Pilipino.
Higit sa mga parangal at panonood, ang Philippine Film Industry Month ay isang paalala na ang ating mga sinehan ay hindi lamang lugar ng libangan. Ito ay imbakan ng ating kolektibong memorya, karanasan, at pangarap. Sa bawat suporta natin sa lokal na pelikula—mula sa mga indie film hanggang sa mga mainstream blockbusters—tinutulungan nating magpatuloy ang tradisyon ng pagbabalita sa mundo kung sino at ano ang tapang ng lahing Pilipino.