Inatasan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa na ipatupad ang dalawang araw na Wellness Break para sa mga guro ngayong Setyembre 14 hanggang 15, 2026.
Sa pamamagitan ng isang memorandum na nilagdaan ni DepEd Secretary Sonny Angara noong Setyembre 8, ipinaliwanag ng kagaawaran na ang nasabing pahinga ay alinsunod sa DepEd Order No. 009, s. 2026 o ang Guidelines on the Implementation of the Three-Term School Calendar in Basic Education. Layunin nitong bigyan ng sapat na panahon ang mga guro na makapagpahinga, makapagpalakas, at maasikaso ang kanilang personal na kalusugan bago magsimula ang ikalawang markahan (Term 2).
Ipinag-utos din ng kalihim sa mga regional director, schools division superintendent, at mga school head na mahigpit na igalang at protektahan ang dalawang araw na pahinga ng mga guro.
Ayon sa utos, bawal ang mga sumusunod sa loob ng dalawang araw na Wellness Break:
- MGA pulong (meetings) at pagsasanay (trainings)
- Learning Action Cell (LAC) sessions
- Mga aktibidad sa paaralan at iba pang opisyal na gawain
- Paggawa ng mga ulat, submissions, at mga asynchronous deliverables
Pinapaalalahanan din ang mga namumuno sa paaralan na maging maingat sa pag-iiskedyul ng mga gawain bago at pagkatapos ng Wellness Break upang hindi mabalewala ang layunin ng memorandum.