Nanawagan si Senate Committee on Finance Chairperson, Sen. JV ejercito sa Philippine National Police (PNP ) na paigtingin ang kampanya laban sa online scams at palakasin ang proteksyon sa mga biktima.
Sa budget hearing ng Department of the Interior and Local Government (DILG ) sa Senado at mga attached agency nito, iginiit ni Ejercito na bagama’t bumaba ang mga kaso ng online selling scams mula 3,025 noong 2024 sa 1,525 noong 2025, ito pa rin ang pinakamaraming naitatalang uri ng cybercrime.
Dahil dito, tinanong ni Ejercito ang PNP kung paano nito tinutulungan ang mga nabibiktima ng scam, partikular ang mga nawawalan ng pera sa Facebook messenger, online shopping platforms at iba pang digital transactions.
Iginiit din ng senador kung nakatutulong ba ang PNP sa pagbawi ng perang nawala ng mga biktima at sa pagtukoy at pagpapakulong sa mga scammer.
Sinabi naman ni PNP Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr. na pinalalakas ng PNP Anti-Cybercrime Group ang kampanya laban sa cybercrime, kabilang ang paggamit ng 911 emergency hotline at pag-deploy ng mga sinanay na imbestigador.
Ayon pa kay Nartatez, bumaba na sa humigit-kumulang 15 hanggang 20 percent ang cybercrime cases mula sa dating 40 percent ng mga naitatalang krimen.
Hinikayat pa ni Ejercito ang PNP na dagdagan ang personnel, kagamitan at digital forensics capabilities nito para makasabay sa mas sopistikadong paraan ng panloloko ng mga cybercriminal.