Mariing pinabulaanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang kumakalat na impormasyon sa social media na mga pre-shaded na balota ang gagamitin sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.
Giit ng COMELEC, fake news ang naturang post mula sa isang account na may pangalang “Mapag Matyag.”
Nakalagay sa nasabing post na may mga balota na umanong shaded na ng mga kawani ng munisipyo o ng mga guro bago pa man ang halalan sa Lunes, September 14.
Paglilinaw ng poll body na nakatabi sa mga Office of the Municipal o City Treasurer sa BARMM ang mga gagamiting balota na vacuum-sealed at bubuksan lamang sa mismong araw ng eleksiyon.
Nanawagan din ang COMELEC na agad mag-report sa Command Center sa Alnor Hotel and Convention Center sa Cotabato City sakaling may makitang mga isyu sa mga idineliver na balota.
Samantala, pinawi rin ng poll body ang pangamba ng publiko kaugnay sa umano’y posibleng power outage o pagkawala ng kuryente sa BARMM. Ayon sa COMELEC, ang bawat Automated Counting Machine anila ay may baterya na kayang paganahin ito sa loob ng mahigit 14 na oras.