Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Umakyat na sa 35 ang kumpirmadong nasawi matapos sumiklab ang sunog sa pampasaherong barkong MV June Aster habang naglalayag patungong Coron, Palawan. Kasabay nito, patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang kapitan ng barko upang magbigay-linaw sa trahedya.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), tinatayang may 30 bangkay naman ang narekober sa economy accommodation area ng barko matapos ideklarang fire out ang sunog. Sa pinakahuling tala, nasa 43 ang nakaligtas, habang mahigit 50 pa ang patuloy na pinaghahanap ng search and rescue teams.
Kinumpirma rin ni PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab na wala sa opisyal na listahan ng mga nakaligtas ang pangalan ng kapitan ng barko.
Samantala, sinimulan na rin ng composite team ang pagsusuri sa cargo deck kung saan unang narinig ang malakas na pagsabog bago kumalat ang apoy.
Tiniyak naman ng pamunuan ng PCG na daraan sa masusing imbestigasyon ang insidente upang maibigay ang katarungan sa mga biktima. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCG sa shipping company at lokal na pamahalaan ng Coron para sa pinal na beripikasyon ng kabuuang bilang ng mga pasahero, habang inihahanda ang posibleng pagsasampa ng mga kaukulang kaso.