Nagbigay na ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na tiyaking matibay at climate-resilient ang lahat ng itatayong imprastraktura sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro sa naging pulong-balitaan nito sa Embahada ng Pilipinas sa New Delhi, India.
Ayon kay Castro, mahigpit ang naging utos ni Pangulong Marcos sa isinagawang Private Sector Advisory Council o PSAC meeting kasama ang infrastructure sector.
Kabilang umano sa mga sinang-ayunang rekomendasyon ng infra sector group ay ang pagsasakatuparan ng mga hakbang upang patatagin ang structural resilience at ang paggawa ng resilience seal.
Umapela rin ang Palasyo sa mga lokal na pamahalaan na mas paigtingin pa ang pagbabantay laban sa mga kompanya at construction materials producer na gumagawa ng mga substandard at radioactive materials kasunod ng pagkakatuklas sa mga negosyong nagbebenta ng mga substandard na materyales sa construction tulad ng Davao Mighty Steel Corporation.
Lubha kasi itong mapanganib kung magagamit sa paggawa ng mga pangunahing istruktura sa bansa. Nanawagan din ang Malacañang sa mga contractor na huwag isaalang-alang ang kanilang pangalan para lamang sa mga mumurahin at substandard na materyales sa pagpapatayo ng iba’t ibang istruktura, lalo na kung ito ay gagamitin ng publiko.