Pinabulaanan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kumakalat na pahayag na walang nakalaang pondo para sa hiring ng public school teachers sa 2027.
Sa inilabas na infographic ng DBM, may ₱31.2 bilyong nakalaan sa panukalang 2027 national budget para sa pagpuno ng 64,530 teaching positions sa Department of Education o DepEd.
Kabilang dito ang 31,614 na bakanteng teaching positions at 32,916 na bagong likhang posisyon na inaprubahan noong Mayo 2026.
Bukod sa hiring, may pondo rin para sa career progression, teaching allowance, at iba pang benepisyo ng mga guro.
May nakalaan ding ₱12.09 bilyon para sa Enhanced Career Progression System, ₱5.795 bilyon para sa Special Hardship Allowance, at ₱3.018 bilyon para sa training ng DepEd personnel.
Ayon sa DBM, malinaw ang suporta ng panukalang budget sa mga guro. Kaya bago umano maniwala sa kumakalat na “zero hiring,” alamin muna ang buong datos at opisyal na impormasyon. Ang ₱31.2 bilyong pondo ay patunay, ayon sa ahensya, na hindi zero ang nakalaang pondo para sa hiring ng public school teachers sa 2027.