Palalakasin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center at Department of Information and Communications Technology ang kooperasyon ng ASEAN countries laban sa online child exploitation at iba pang cybercrime.
Ito ang tiniyak ni CICC Executive Director Undersecretary Aboy Paraiso sa isang town hall meeting kamakailan.
Hinimok naman ng ScamWatch Philippines ang pamahalaan na gamitin ang ASEAN chairmanship ng Pilipinas para bumuo ng regional front laban sa online threats.
Ayon sa grupo, mas magiging malakas ang ASEAN laban sa malalaking tech companies kung sama-samang kikilos ang mga bansa.
Binigyang-diin ni Paraiso na borderless ang cybercrime at maaaring nasa labas ng Pilipinas ang mga sindikatong nagsasamantala sa mga batang Pilipino. Kasabay nito, isinusulong ng CICC ang platform accountability at technical working group para maisalin sa konkretong polisiya ang mga hakbang sa online child safety.