Tinatayang nasa ₱15.45 milyon ang halaga ng mahigit 77,000 fully grown marijuana plants na binunot at sinira ng pulisya sa Tinglayan, Kalinga.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., isinagawa ang operasyon sa mga barangay ng Buscalan, Loccong at Bugnay.
Nasa 18,000 ang binunot sa Buscalan, 9,000 sa Loccong, at 50,250 sa Bugnay.
Agad na sinira sa lugar ang mga halaman at wala ring naaresto sa operasyon.
Pinangunahan ang operasyon ng PNP Drug Enforcement Group, kasama ang mga PNP unit sa Cordillera at PDEA Cordillera.
Ayon kay General Nartatez, magpapatuloy ang PNP sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya at komunidad laban sa pagtatanim ng marijuana. Layunin din nitong matukoy kung paano nakakarating ang marijuana sa illegal drug market at kung sino ang nasa likod nito.