Pinaiigting ng Maritime Industry Authority (MARINA) katuwang ang Department of Transportation (DOTr) ang tulong sa mga nakaligtas at naulilang pamilya sa nasunog na MV June Aster sa Coron, Palawan, kasunod ng pagtaas sa 35 ng bilang ng mga nasawi.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), 54 na indibidwal ang nananatiling nawawala, habang 43 ang nakaligtas sa insidente.
Kabilang sa mga hakbang ng MARINA ang pagpapabilis sa pagproseso ng insurance claims para sa mga biktima. Inatasan din nito ang Interclaim Adjuster Incorporated na aktibong tumulong sa mga claimant, habang hiniling naman sa Insurance Commission na pabilisin ang pagproseso ng mga kompensasyon.
Nakaantabay na rin ang Help Desk sa ikaapat na palapag ng Coron Municipal Hall para sa mga pamilyang nangangailangan ng impormasyon at suporta. Patuloy naman ang search and retrieval operations ng mga awtoridad, habang isinasagawa ang pagkilala sa mga labi at pagtulong sa mga nakaligtas.