Kinuwestiyon ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aniya, malaking tanong kung nasa tamang estado ba ng pag-iisip o kung nasa huwisyo ang bise presidente nang sabihin nito ang mga salita laban kay Pangulong Marcos.
Isa sa mga pakiwari ni Usec. Castro ay nasabi ito ng bise presidente dahil sa umano’y “sleepless nights” at “anxiety” nito kaya hindi na ito nakakapag-isip nang maayos at nagbibigay ng mensaheng naaayon sa kanyang hawak na posisyon.
Isa-isa ring sinagot ni Usec. Castro ang mga naging patutsada ng bise presidente sa pagharap nito sa kanyang mga tagasuporta.
Una rito ay wala naman umanong kahit anong drama sa pagsasampa ng kaso kay VP Sara dahil ibinabase ito sa mga ebidensiya at idinadaan din sa due process, bagay na pare-parehong nakumpleto ng mga investigating body. Nabanggit din ang naging madugong “war on drugs” na maituturing na hindi rumirespeto sa due process.