Higit sa isang daang foreign observers ang nakatakdang magbantay sa gaganaping kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa darating na Setyembre 14.
Kinumpirma ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na may kabuuang 108 foreign observers mula sa iba’t ibang pandaigdigang organisasyon at delegasyon ang darating upang subaybayan ang makasaysayang botohan.
Ayon kay Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento, ang pagdalo ng mga dayuhang kinatawan ay nagpapakita ng matinding suporta at interes ng pandaigdigang komunidad sa prosesong pangkapayapaan at demokrasya sa rehiyon.
“We warmly welcome our international observers to the Bangsamoro. Their presence symbolizes the international community’s interest and support for the democratic aspirations of the Bangsamoro people,” pahayag ni Sarmiento.
Idinagdag pa niya na ang pagsubaybay na ito mula sa mga nasabing foreign observers ay magbibigay ng mas mataas na tiwala sa integridad ng halalan.
Kabilang sa mga kinatawang dadalo ay mula sa mga embahada ng Palestine, China, Australia, at Japan, pati na rin ang mga kilalang grupo tulad ng The Asia Foundation, European Union-Coordinated Diplomacy, Worldwide Lawyers Association (WOLAS), International Republican Institute (IRI), IHH Humanitarian Relief Foundation, Third Party Monitoring Team (TPMT), Digital Memory Association ng Türkiye, Friedrich Naumann Foundation for Freedom Philippines, Grand National Assembly ng Türkiye, at International Jurists Union.
Nagtala ang pinagsamang delegasyon ng Asian Network for Free Elections at National Democratic Institute (ANFREL/NDI) ng pinakamaraming kinatawan na may 22 partisipante, habang 17 naman ang mula sa Embahada ng Japan.
Ipapakalat ang mga foreign observer sa mga istratehikong lugar kabilang ang Cotabato City, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Special Geographic Area, Marawi City sa Lanao del Sur, Lamitan at Isabela sa Basilan, Bongao sa Tawi-Tawi, at Zamboanga City.
Bago ang mismong araw ng botohan, nagpulong noong Setyembre 11 ang mga matataas na opisyal ng militar, pulisya, at mga pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang tiyakin ang maayos at payapang halalan.
Dumalo sa nasabing diyalogo si Bangsamoro Parliament Member (MP) Abdullah “Bravo” Macapaar kasama ang iba pang base commanders ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) Northwestern Mindanao Front Command, Brig. Gen. Bernardo Taqueban ng 2nd Mechanized Infantry Brigade ng Philippine Army, at Maj. Pandapatan Tataan na chief of police ng Munai.