Inaasahang ihaharap ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Senate Impeachment Court ang opisyal na ulat nito hinggil sa ₱6.7 bilyong transaksiyon na naiugnay sa mga bank account ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, nakatakdang ilatag muli ng AMLC ang kanilang ulat patungkol sa mag-asawa kaugnay ng kaso ng di-maipaliwanag na yaman.
Ang nasabing report ay kabilang sa mga naunang natalakay sa mga pagdinig ng Kamara ang ₱6.7 bilyon sa kabuuang transaksiyon at ₱4.4 bilyon sa net inflows ng mag-asawa.
Nilinaw naman ni Ridon na hindi saklaw ng Sub-Judice Restriction ang mga detalyeng ito dahil hayagan na itong napag-usapan sa mga naunang pagdinig sa Kamara.
Sa ilalim ng Article II, layunin ng prosekusyon na iugnay ang mga financial activities sa ligal na kita, mga idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at iba pang ari-arian ni Pangalawang Pangulong Duterte upang mapatunayan ang paratang na hindi maipaliwanag na yaman.