Naghatid ng iba’t ibang serbisyo at programa ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan sa mga residente ng Southern Leyte bilang bahagi ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat.”
Isinagawa ang aktibidad nitong Lunes, Setyembre 14, sa Provincial Capitol Gym ng Southern Leyte, kung saan nagtipon ang iba’t ibang ahensya upang direktang makapaglingkod sa publiko.
Kabilang sa mga lumahok ang DILG, TESDA, DTI, DOLE, DOH, PhilHealth, NBI, PNP, PSA at LTO.
Nagbigay ang DOH at PhilHealth ng mga serbisyong pangkalusugan, kabilang ang medical consultation. Samantala, nag-alok ang TESDA ng training at certification, habang nagbigay naman ang DOLE ng employment assistance at impormasyon tungkol sa mga oportunidad sa trabaho.
Para sa mga negosyante at nais magsimula ng sariling kabuhayan, naghatid ang DTI ng business assistance at mga serbisyong may kaugnayan sa pagpaparehistro ng negosyo.
Naglaan din ang PSA ng mga serbisyo para sa National ID, habang ang LTO ay tumugon sa mga pangangailangan ng publiko na may kaugnayan sa lisensya at transportasyon. Nakibahagi rin ang NBI at PNP sa pagbibigay ng kanilang mga serbisyo at konsultasyon.
Samantala, nakatuon naman sa mga magsasaka at mangingisda ang mga serbisyong hatid ng Department of Agriculture o DA, BFAR, PCA at PCIC.
Hindi rin nagpahuli ang mga ahensyang nakatuon sa edukasyon at serbisyong panlipunan gaya ng CHED, DSWD, DOJ, DAR, PRC, Pag-IBIG at OWWA, na nagbigay ng iba’t ibang programa at assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Hinikayat naman ng Provincial Government of Southern Leyte ang mga residente na samantalahin ang mga serbisyong inilapit sa kanilang lugar.
Layunin ng naturang programa na gawing mas madali at mas mabilis para sa mga mamamayan ang pag-access sa mga serbisyo, programa at oportunidad mula sa pamahalaan.