Maaaring magsilbing legal reference sa mga susunod na impeachment trial ang magiging desisyon ng Senado sa voting threshold sa kaso ni Vice President Sara Duterte ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong.
Ayon kay Rep. Alonto Adiong, mahalaga ang usapin dahil maaaring maharap din ang mga susunod na impeachment court sa sitwasyong may senator-judge na hindi makalahok dahil sa karamdaman, pagkakakulong, pagliban o iba pang legal na dahilan.
Sinusuri ngayon ng Senate Impeachment Court kung mananatili sa 16 na boto ang kailangan para maabot ang two-thirds requirement para sa conviction o kung magbabago ang voting base kapag may mga senator-judge na hindi makalahok.
Giit ni Alonto Adiong, hindi malinaw sa Konstitusyon kung paano ito dapat bilangin sa ganitong sitwasyon.
Dahil dito, hinihintay muna ng impeachment court ang opinyon ng mga constitutional expert bago dinggin ang argumento ng prosecution at defense.
“This will actually become the legal basis now for future impeachment trials. Kasi hindi rin natin alam the whole 6 years or 3 years ay buo before. Ito nga, isang example ito. Hindi natin inaasahan na may mga legal problems yung ibang senador,” saad ni Alonto Adiong
Muli naman tiniyak ng House prosecution panel na igagalang nito ang magiging desisyon ng impeachment court ukol sa isapin.