Isinasagawa ngayon sa Provincial Capitol Gym sa Borongan City ang “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat,” isang convergence activity ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalapit ng iba’t ibang serbisyo at programa ng pamahalaan sa mga mamamayan ng Eastern Samar.
Isinasagawa ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Marcos, na nagtatampok ng province-wide service caravan para mailapit mismo sa mga residente ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan.
Pinagsama-sama sa aktibidad ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang direktang maihatid sa mga residente ang mga serbisyo, programa at ayuda, partikular sa mga pamilyang nangangailangan ng suporta.
Kabilang sa mga tampok na serbisyo ang job fair, scholarship payout mula sa Department of Labor and Employment o DOLE at Commission on Higher Education o CHED, Kadiwa ng Pangulo, pamamahagi ng bigas, serbisyong pangkalusugan, social welfare at livelihood assistance, skills training, at pagpaparehistro sa National ID.
Tampok din sa programa ang video message ni Pangulong Marcos, bilang bahagi ng aktibidad na naglalayong palawakin ang access ng mga mamamayan sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Layunin ng Handog ng Pangulo na mailapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad at matiyak na mas maraming mamamayan ang direktang makikinabang sa mga programang nakalaan para sa kanilang kapakanan at kabuhayan.