Tiniyak ng Cotabato City Police Office (CCPO) na magkakaroon ng masusing imbestigasyon sa nagyaring pamamaril sa Cotabato City, nitong Linggo ng gabi, Setyembre 13, 2026, bago ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election.
Sa pahayag ng CCPO, sinabi nito na patuloy na tinutukoy ng mga awtoridad ang mga taong sangkot, ang mga pangyayaring humantong sa pamamaril, sa harap ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2.
Base sa paunang impormasyon na nakalap, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo at kasunod na komprontasyon sa pagitan ng ilang indibidwal sa lugar.
Ang nasabing pagtatalo ay nauwi sa pagpapaputok ng baril kung saan tatlong tao ang nasawi habang 15 sibilyan naman ang nasugatan sa insidente.
Agad na dinala sa mga pagamutan ang mga sugatan para mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.
Samantala, tiniyak ng mga rumespondeng pulis na isinagawa ang kinakailangang imbestigasyon at pangangalap ng mga ebidensya.
Mariin namang kinondena ng CCPO ang paggamit ng karahasan, lalo na’t nangyari ang insidente sa bisperas ng isang mahalagang demokratikong proseso.
Nagpaabot din ang CCPO ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at nagpahayag ng suporta sa mga sugatan at kanilang pamilya. | ulat ni Armando Fenequito | Radyo Pilipinas Davao
📸 Cotabato City Police Office