Photo courtesy of Congressman Atty. Tim Cayton | FB Page
Isinusulong ni Nueva Vizcaya Lone District Representative Timothy Joseph Cayton ang graduate scholarship program para matugunan ang kakulangan ng guidance counselors sa mga paaralan, lalo na sa gitna ng mga problema sa bullying at mental health ng mga estudyante.
Sa House Bill No. 10997 o “National Guidance and Counseling Scholarship Act,” sasagutin ang tuition at school fees, buwanang stipend, at allowance para sa libro, thesis, licensure review at connectivity ng scholars.
60 porsyento naman slots ay ilalaan para sa DepEd personnel at 20 porsyento para sa private applicants.
Bibigyan din ng mas malaking alokasyon ang mga rehiyong lumalampas sa 80 porsyento ang vacancy rate, at uunahin sa deployment ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
Kapalit nito, kailangang maglingkod ang scholars nang hindi bababa sa dalawang taon sa public schools o government agencies.
Kasama rin sa panukala ang bridging pathway para sa mga kasalukuyang School Counselor Associates upang makapag-aral sila nang hindi nawawalan ng posisyon, at ang pagrepaso ng Department of Budget and Management sa sahod at career progression ng mga guidance counselor sa gobyerno.
Ayon sa DepEd, 4,069 lamang ang lisensyadong guidance counselors sa bansa, kumpara sa mahigit 50,000 na kailangan para sa recommended ratio na isang counselor sa bawat 250 estudyante. “Ang totoong sagabal ay ang gastos sa master’s degree. Hinihingi ng batas ang graduate degree at lisensya, pero ang mga guro at aplikante ang siyang sumasagot ng buong gastusin. Kung gusto nating dumami ang counselors, ang gobyerno ang dapat mag-invest sa pag-aaral at pagpapakahusay nila,” saad ni Cayton