Ipinamahagi ngayong araw ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) sa lalawigan ng Sulu ang tatlong unit ng cassava chipper at isang unit ng coffee grinder sa College of Agriculture ng Mindanao State University-Sulu, gayundin sa mga farmers association.
Sa ilalim naman ng Agrarian Reform Division, Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) ang natanggap ng 21 agrarian reform beneficiaries sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Dala naman ang Fisheries Division ng 10 unit ng chest freezer, refrigerator, at vacuum sealer na nakalaan para sa mga fisherfolk at seaweed association sa probinsiya.
Samantala, isang unit ng 62-foot Fiberglass Reinforced Plastic (FRP) Tuna Handline ang inihandog ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Pangutaran Fisherfolks Association, kasama ang kumpletong fishing gear.
Kabilang sa mga head of agency na nakibahagi sa aktibidad sina MAFAR Sulu Provincial Director Engr. Alfie Iribani at BFAR IX Regional Director Al-Zath Kunting. Nakibahagi rin sa turnover ng mga machinery at equipment sina Governor Abdusakur A. Tan II, Pangutaran Mayor Asri Taib, at mga benepisyaryo ng ahensya.