Pinangunahan ng Nagdilaab Foundation Inc. ang Basilan Election Watch 2026, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga stakeholder sa Basilan People’s Capitol, upang bantayan ang BARMM Parliamentary Elections sa lalawigan.
Ayon kay Dedette Suacito, Executive Director ng organisasyon, binuo ang citizen-led monitoring center matapos ang naging pagpupulong ng Basilan Provincial Peace and Order Council.
Kung ikukumpara ang kasalukuyang eleksyon sa mga nakaraang halalan sa lalawigan at iba pang eleksyon sa BARMM, maituturing aniya itong generally peaceful.
Ang kanilang naobserbahang hindi kaaya-ayang pangyayari lamang sa naturang eleksyon ay ang insidente sa munisipalidad ng Maluso, na isinailalim sa COMELEC Control dahil sa pre-shaded ballots, at sa Al-Barka, na naantala ang botohan dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng MILF at iba pang stakeholders.
Maliban aniya sa dalawang pangyayaring ito, wala na silang naobserbahang iba pang untoward incident o anumang insidente ng karahasan sa Basilan. Magpapatuloy aniya ang Basilan Election Watch bukas hanggang sa matapos ang canvassing at maiproklama ang mga nanalong kandidato.