Photo courtesy of Department of the Interior and Local Government (DILG)
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inaasahang uusad sa susunod na taon ang konstruksiyon ng Sangley International Airport sa Cavite, na maaaring makalikha ng mahigit 30,000 trabaho.
Kasabay nito, sinabi ni Remulla na inaasahang magiging operational ngayong taon ang Philippine General Hospital (PGH) sa Carmona, Cavite.
Ang mga pahayag ay ginawa sa isinagawang “Handog ng Pangulo” sa Trece Martires City, na pinangunahan ni Remulla.
Higit 5,000 Caviteño ang nakatanggap ng ayuda at iba’t ibang serbisyo ng gobyerno na umabot sa ₱12.7 million ang kabuuang halaga.
Kabilang dito ang ₱8.1 million na ayuda para sa displaced overseas Filipino workers (OFWs) at ₱1.86 million na student financial assistance para sa mga benepisyaryo ng Cavite State University.
Naghatid din ng iba’t ibang frontline services ang government agencies at local government units sa mga taga Cavite.