Nasa 13 presinto sa Maluso, Basilan ang hindi pa nakakapagsimula ng botohan matapos matuklasang pre-shaded na ang mga balotang dapat gagamitin sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co na kinondena na ang mga naturang balota matapos na matuklasan na mga pre-shaded ang mga ito.
Hinihintay na lang aniya ngayon ang pagdating ng replacement ballots upang makapagsimula na ang botohan.
Nilinaw ni Co na walang karahasang naganap sa mga presintong ito, ang tanging dahilan ng pagkaantala ay ang paghihintay sa kapalit na mga balota.
Sa kabuuan, umabot na aniya sa 98.81% ang mga presintong nakapagsimula ng botohan sa BARMM. Sinabi rin ni Co na generally peaceful pa rin ang halalan sa nakararaming bahagi ng rehiyon, at isolated incidents lamang ang mga naitalang insidente.