Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang mga senior citizen sa mga taong nagpapanggap na taga-gobyerno para makapasok sa kanilang tahanan at magnakaw.
Inatasan na ng PNP ang mga yunit nito na imbestigahan ang ganitong mga ulat, katuwang ang mga kinauukulang ahensya.
Ito ay matapos ang nangyaring insidente sa Talisay City, Cebu kung saan may dalawang lalaki ang nagpakilalang mga empleyado ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) at nangakong may anim na libong pisong ayuda.
Pumasok sila sa bahay ng 77 taong gulang na biktima at dito na ninakaw ang kuwintas na nagkakahalaga ng P60,000, pati ang pitaka niyang may lamang P600.
Ayon sa OSCA, wala silang ganoong klase ng ayuda.
Mariing kinondena ni PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr. ang naturang modus.
Nagpaalala si Nartatez na bago tumanggap ng ayuda, dapat aniyang alamin muna kung tunay ngang taga-gobyerno ang lumalapit sa kanila. Huwag din aniyang ipagkatiwala ang senior citizen ID o papasukin ang hindi kilalang tao nang walang paunang beripikasyon sa ahensya o sa barangay.