Hindi palalampasin ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity
(OPAPRU) ang anumang iregularidad na sisira sa integridad ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento ang publiko na agad lumapit sa mga security forces sakaling may maranasang paglabag sa halalan, upang mabilis itong matugunan.
Ayon kay Sarmiento, mahalaga rin aniyang maidokumento nang maayos ang bawat insidente na maaaring magamit sa korte.
Susubaybayan din umano nila ang lahat ng reklamo at kasong isasampa sa Comelec, upang mapanagot sa ilalim ng batas ang mga responsable sa anumang electoral offense.
Kasabay nito, nanawagan si Sarmiento sa mga botante ng Bangsamoro na huwag patinag sa pananakot at ituloy ang pagboto. Paalala rin niya, makakaboto pa rin ang sinumang nasa loob na ng presinto o nakapila bago mag-alas-siyete ng gabi, alinsunod sa patakaran ng Comelec.