Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon sa Albay, na nangangahulugang mataas ang antas ng aktibidad nito at posible ang biglaang pagsabog ng singaw o phreatic explosion.
Batay sa 24-oras na monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong October 11, 2026, naitala ang siyam na volcanic earthquake at namataan ang crater glow.
Naitala rin ang sulfur dioxide flux na 1,096 tonelada kada araw noong October 10, habang umabot sa 500 metro mula sa bunganga ng bulkan ang taas ng plume.
Katamtaman ang pagbuga ng usok na tinangay patimog-kanluran, kanluran-timog-kanluran at kanlurang-hilagang-kanluran. Namataan din ang paggalaw ng lupa na may pangmatagalang pag-impis sa hilagang-silangan.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan. Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibleng biglaang pagsabog ng singaw, pagguho ng mga bato mula sa tuktok at pag-agos ng lahar kapag nakaranas ng matinding pag-ulan.
Patuloy na pinapayuhan ang mga residente at publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad at manatiling mapagmatyag sa mga posibleng pagbabago sa aktibidad ng Bulkang Mayon. Hinihikayat din ang mga nasa paligid ng bulkan na makinig sa opisyal na impormasyon ng PHIVOLCS upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pamilya at komunidad.