Patuloy ang koordinasyon ng Office of Civil Defense–Negros Island Region sa mga lokal na pamahalaan at kinauukulang ahensya kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon.
Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ang beripikasyon ng mga ulat at pagtukoy sa mga kinakailangang aksyon sa mga apektadong lugar.
Ayon sa PHIVOLCS, nagkaroon ng katamtamang lakas na pagsabog ang Bulkang Kanlaon kahapon na tumagal nang dalawang minuto.
Umabot sa lima hanggang anim na kilometro sa ibabaw ng bunganga ng bulkan ang taas ng ibinugang abo.
Naiulat ang ugong at pagyanig sa Bago City, amoy-asupre sa San Carlos City at ashfall sa La Carlota City at Don Salvador Benedicto.
Bandang 1:28 AM ngayong October 11, muling nagbuga ng abo ang bulkan. Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone.