Patuloy na tinututukan ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol ang kalagayan at kapakanan ng mga residenteng labis na naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng programang Boses, sinabi ni OCD Bicol Spokesperson Gremil Alexis Naz na hindi nila pinababayaan ang evacuees sa pakikipagtulungan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pagdating naman sa mga klase ay nai-lift naman na ang suspensiyon sa mga ito ngunit mananatiling suspendido ang face to face classes at posibleng mapunta sa blended learning modality ang mga paaralan na ngayon ay ginagamit bilang evacuation center.
Sakali namang magtagal pa ang aktibidad ng bulkang Mayon ay ikokonsidera na rin ng OCD Bicol ang pagtatayo ng tent cities para sa mga evacuee.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang flushing at paglilinis ng Bureau of Fire Protection sa mga abong dala ng nangyaring ashfall.
Gayunding kapit-bisig na ang lokal na pamahalaan at ang Department of Health upang tiyakin naman ang kalagayang medikal ng mga evacuee.
Naka-preposition na rin ang mga pangangailangan tulad ng face masks sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.