Personal na nakausap ng labor attache representative ang walong Filipino seafarers na sakay ng tug vessel na lumubog sa Strait of Hormuz dahil sa hindi pa matukoy na projectile na tumama sasakyang pandagat.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Labor Attache Alice Q. Visperas ng Migrant Workers Office sa Oman, sinabi nito na ligtas na ang walong Filipino crew na kasalukuyang nananatili sa isang hotel sa Oman habang hinihintay ang kanilang repatriation.
Ayon kay Labor Attache Visperas, dalawa sa mga crew ang nagtamo ng minor injuries dahil sa mga nabasag na salamin dulot ng matinding impact ngunit kaagad namang naidala sa ospital.
Ayon pa sa opisyal, naipagbigay alam na nila sa mga kaanak ng mga biktima na nasa Pilipinas na ligtas na ang mga nasabing crew kaparehong araw nang sila ay ma-rescue nitong ika-2 ng Nobiyembre.
Nilinaw rin ng labor attache na tinamaan ng projectile ang sea vessel sa Strait of Hormuz na itinuturing na red zone para sa paglalayag dahil sa kaguluhan sa rehiyon.
Ngunit sinabi nito na sa kabila ng rights to refuse to sail sa nasabing ruta, mayroon pa ring tumatanggap dahil sa insentibo na ibinibigay ng kanilang employer sa mga sumasama sa paglalayag basta’t pumirma ng waiver ang mga tripulante.