Hinimok ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPPRU ang bawat botante sa BARMM na gamitin ang kanilang karapatang bumoto sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ipinaliwanag ni Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento na ang halalang ito ang pinal na hakbang sa political track ng prosesong pangkapayapaan—na nagpapatibay sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, Bangsamoro Organic Law, at Bangsamoro Electoral Code.
Ayon pa kay Sec. Sarmiento, ang botohan ay patunay ng mga konkretong resulta ng kapayapaan sa rehiyon—kabilang ang matatag na ceasefire, ang pagdekomisyon sa libo-libong mga dating mandirigma, at ang patuloy na pag-unlad ng mga dating komunidad ng sigalot.
Dahil dito, muling umapela ang opisyal sa lahat ng mga kandidato, partido, at tagasuporta na panatilihing ligtas, mapayapa, at malinis ang halalan.
Ayon naman sa residente na si Abubakar Abdullah, mahalagang kapakanan ng tao ang iuna ng mga mananalong kandidato, dahil kung hindi, mahuhulog lamang sa wala ang dekada ng ipinaglaban ng mamamayang Bangsamoro.
📷 OPAPRU