Agad na inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber at rehistradong may-ari ng isang itim na sedan na sangkot sa insidenteng nakahadlang sa pagresponde ng isang truck ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa viral video na nakarating sa LTO, makikitang naka-double parking ang sedan sa masikip na bahagi ng kalsada kaya nakaantala ito sa rumerespondeng BFP truck.
Dahil dito, pinahaharap ang drayber at rehistradong may-ari sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa September 18 at pinagsusumite ng sinumpaang salaysay kaugnay ng mga alegasyong Parking in Prohibited Places at Obstruction of Traffic.
Kasabay nito, inatasan ang drayber na agarang isuko ang kanyang lisensya, na isasailalim sa 90-araw na preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inilagay na rin sa alarm status ang naturang sasakyan.
Binigyang-diin naman ni Assistant Secretary Markus Lacanilao na dapat tiyakin ng bawat motorista na hindi sila nagiging sagabal sa daan, lalo na sa mga sasakyang rumeresponde sa mga emergency.