Naniniwala si House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers na hindi na kailangang magpahayag si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng kaniyang posisyon o opinyon sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Tugon ito ni Barbers nang tanungin kung kailanganan bang ilahad ng Pangulo ang kaniyang paninindigan sa impeachment, matapos batikusin ng pangalawang pangulo at ipanawagan pa ang pagbibitiw nito.
Ayon kay Barbers, dapat hayaan ng Pangulo na maging independent ang Senado bilang impeachment court at mga senator-judge ang magdesisyon sa kaso.
Aniya, walang papel ang ehekutibo sa paghatol sa impeachment, kaya mas mainam na magtiwala na lamang sa proseso.
“Well, ako, para sa akin, hindi dapat. Kasi yung pong posisyon ng Presidente, hindi naman siya nakikialam dito sa impeachment proceedings na ito. And let the senator-judges decide. Kasi independent ang ehekutibo dito sa lehislatura, no, lalo na itong impeachment court na ito. So para sa akin, hindi dapat na siya ay magsalita, no, na kung ano ang kanyang opinyon tungkol dito,” diin ni Barbers.
Iginiit din ni Barbers, na hindi dapat mahaluan ng personal o political conflict ang pagsusuri ng Senado sa mga ebidensiya laban sa bise presidente.
Ngayong Lunes sisimulan ang presentasyon ng prosekusyon ng mga ebidensiya sa Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth.