Nanawagan ang Quezon City Council sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maglabas ng mas napapanahong weather updates sa oras na nagsasagawa ng assessment ang mga lokal na pamahalaan para sa posibleng pagsususpinde ng klase.
Sa inihaing resolusyon ni QC Council Majority Leader Aly Medalla, hiniling nito sa PAGASA na maglabas ng weather advisories mula alas-3 hanggang alas-4 ng madaling araw para sa morning classes, at alas-9 hanggang alas-10 ng umaga para sa afternoon classes, kapag maaaring magdulot ng panganib sa mga mag-aaral at school personnel ang lagay ng panahon.
Layon nitong mabigyan ang mga mag-aaral, magulang, at school personnel ng malinaw at napapanahong impormasyon bago sila bumiyahe.
Tinukoy sa resolusyon na maraming estudyante at kawani ng paaralan ang umaalis ng kanilang bahay pagsapit ng alas-5 ng umaga, lalo na ang mga bumibiyahe nang malayo o umaasa sa pampublikong transportasyon.
Kasama rin sa panukalang resolusyon ang panawagan sa PAGASA na mabilis na ipalaganap ang mga weather advisory sa pamamagitan ng official communication channels at gawing madaling accessible sa mga LGU at local disaster risk reduction and management offices.