Ipinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang operator ng pampasaherong jeepney na nasangkot sa aksidente sa Sta. Cruz, Manila nitong weekend.
Batay sa ulat ng Manila Police District, isang 65-anyos na babae ang nasawi habang walo ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa LTFRB, magkakasa na rin ito ng hiwalay na imbestigasyon para matukoy ang administrative liability ng operator.
Sa ngayon, bineberipika na rin ng LTFRB ang pahayag ng drayber na nawalan umano ng preno ang jeep habang bumibiyahe at ang posibilidad na nasa impluwensya ito ng anumang substance.
Bahagi rin ng imbestigasyon ang pagtukoy kung maayos ang maintenance ng jeep.
Nakaiskedyul ang pagdinig sa kaso sa October 8, kung saan inaasahang pagpapaliwanagin ang operator kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa nito kaugnay ng insidente.
Ayon din kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., sisiguruhin ng ahensya na maibigay ang insurance assistance na P400,000 sa pamilya ng nasawing biktima at tig-P100,000 naman para sa bawat nasugatan.