Hinikayat ni Senator Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment o DOLE na huwag isantabi ang naunang ₱85 wage increase para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila at ipagpatuloy ang paggiit nito sa Korte.
Ito ay matapos ilabas ng regional tripartite wages and productivity board ang bagong wage order no. 28 na nagtatakda ng ₱60 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa NCR.
Ayon kay Tulfo, bagama’t makatutulong ang bagong umento, mas mababa ito kumpara sa ₱85 wage hike sa ilalim ng naunang wage order no. NCR-27, na sinuspinde matapos maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Pasig Regional Trial Court.
Giit ng Senador, dapat makuha ng mga manggagawa ang nararapat na dagdag-sahod, lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kasabay nito, muling hiniling ni Tulfo ang suporta ng kanyang mga kapwa senador para sa senate bill no. 2372, na naglalayong amyendahan ang labor code para pagbawalan ang regular courts na maglabas ng TRO laban sa wage hikes. | ulat ni Nimfa Asuncion