Sinabi ni Senator-Judge Ping Lacson na hindi dapat makialam ang senado o ang impeachment court sa hakbang nina Senador Rodante Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada na makadalo at makilahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lacson, maaaring magmukhang nagbibigay ng hindi nararapat na pressure ang Senado sa Sandiganbayan, kung makikialam ito sa mga kaso ng dalawang senador na kapwa nahaharap sa plunder cases.
Mas mainam aniya na ipaubaya sa mga abogado nina Marcoleta at Estrada ang kanilang kahilingan na makalahok sa paglilitis, kabilang ang posibilidad na dumalo online.
Nauna nang sumulat si Marcoleta kay Senate President Sherwin Gatchalian at Presiding Officer Francis Escudero upang igiit ang kanyang karapatang bumoto bilang Senator-Judge, kahit nakadetine dahil sa plunder case.
Samantala, ibinasura naman noong July ng sandiganbayan ang kahilingan ni Estrada na makadalo sa impeachment trial.
Tungkol naman sa usapin ng voting threshold, umaasa si Lacson na makatutulong ang mga pananaw ng apat na amici curiae o “friends of the court” sa pagresolba sa isyu ng 16-vote requirement para ma-convict ang vice president.
Sinabi rin ni Lacson na mahalagang mapag-aralan ang senaryo kung sakaling mas marami pang Senator-Judge ang hindi makadalo sa paglilitis dahil sa pagkakakulong, pag-iibang bansa o iba pang dahilan. | ulat ni Nimfa Asuncion