Milyun-milyong pisong tulong pangkabuhayan at ayuda ang ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ginanap na 2026 Handog ng Pangulo Service Caravan kahapon sa Davao de Oro.
Bukod sa isinagawang job fair, inihatid ng DOLE Davao de Oro sa pamumuno ni Provincial Director Neil Allan Baban ang iba’t ibang programa para sa mga manggagawa at sektor na higit na nangangailangan sa probinsya.
Nasa P10 milyon ang kabuuang naipamahagi sa ilalim ng TUPAD program para sa mahigit 1800 na mga benepisyaryo.
Bukod dito, may hiwalay ding Special TUPAD para sa 100 na Persons with Disabilities na nagkakahalaga ng mahigit P500,000..
Sa ilalim naman ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), dalawang malalaking grupo ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan: P1 milyon para sa mga benepisyaryong inorganisa ng RPSB, at P2.2 milyon para sa grupo ng mga magulang ng child laborers na may 110 benepisyaryo.
Nabigyan din ng P1.1 milyon na tulong ang 23 distressed at repatriated OFWs.
Hinimok ni Baban ang mga tumanggap ng livelihood grants na gamitin at i-manage ito nang wasto, bilang patunay na laging handang tumulong ang gobyerno sa mga may maayos na hangarin.
Samantala, umaasa ang ahensya na magkakaroon ng karagdagang pondo sa 4th quarter nitong taon, at kung maaprubahan, bibigyang-prayoridad ng DOLE ang mga indibidwal at asosasyong apektado ng African Swine Fever o ASF, maging ang mga manggagawang naapektuhan ng tanggalan sa mga kumpanya.