Opisyal nang matatanggap ng 110 benepisyaryo mula sa Caloocan City ang kanilang mga titulo ng lupa ngayong umaga (September 15), sa ilalim ng Community Mortgage Program ng pamahalaan.
Ayon kay Social Housing Finance Corporation President and Chief Executive Federico Laxa, ang mga benepisyaryo ngayong umaga ay mga residenteng dekada nang nakatira sa kanilang mga bahay, ngunit hindi naman sa kanila ang tinitirikan ng kanilang mga bahay.
Layon aniya ng programa na gawing homeowners ang mga ito, lalo’t habang walang titulo ng lupa ang mga residente, nanganganib silang mapaalis sa kanilang tinitirhan.
Sa ilalim ng programa, ipinapasok sa loan ang mga lupa ng mga benepisyaryo sa abot-kayang halaga.
Tinatayang nasa 30 square meters ang sukat ng mga lupang ito.
Habang ang loan na ipinagkakaloob sa mga residente ay nasa ₱400,000, na maaaring bayaran sa loob ng 25 taon. Kasama na rin dito ang pagsasaayos ng kalsada o ilang pasilidad na nakapalibot sa bahay ng mga benepisyaryo.
Ang kagandahan aniya sa programang ito, hindi na nire-relocate ang mga benepisyaryo at hindi na rin sila nalalayo sa kanilang kabuhayan, maging sa paaralan na pinapasukan ng kanilang mga anak. Bagkus, binibigyan sila ng pagkakataong maging ganap na may-ari ng mga lupang kanilang kinalakihan.