Inilabas na ng Lokal na Pamahalaan ng Cotabato City ang isang anunsiyo ukol sa schedule ng pasok ng mga mag-aaral at manggagawa mula Setyembre 15 hanggang Setyembre 18 bilang bahagi ng mga precautionary measure sa lungsod.
Sa panig ng pamahalaang lungsod, ipapatupad ang work-from-home arrangement para sa kanilang mga empleyado sa mga nabanggit na petsa, maliban sa mga nakatalaga sa essential, health, emergency, disaster response, security, peace and order, at mga basic frontline service.
Suspendido naman ang in-person classes at nakatakdang eksaminasyon sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, ngunit pinapayuhan ang mga pasilidad na magpatupad ng asynchronous learning.
Samantala, ipinaubayan naman na sa pamunuan ng mga pribadong kumpanya at tanggapan ang pagpapasya sa schedule ng trabaho ng kanilang mga manggagawa sa loob ng apat na araw.
Pinayuhan ng city LGU ang mga mamamayan ng Cotabato City na manatiling kalmado, maging maingat, at tumutok lamang sa mga beripikadong balita at opisyal na anunsyo ng pamahalaan.