Ibinahagi ni Senador Robin Padilla na natanggap na niya ang subpoena mula sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders na isinampa ng PNP laban sa kanya.
Sa subpoena, pinasusumite ng DOJ si Padilla ng kanyang counter-affidavit at mga dokumentong susuporta sa kanyang depensa kaugnay ng reklamong isinampa laban sa kanya.
Bahagi ito ng preliminary investigation ng Panel of Prosecutors ng DOJ.
Sa subpoena, inatasan si Padilla na humarap sa panel at magsumite ng kanyang counter-affidavit, kasama ang mga affidavit ng kanyang mga testigo, kung mayroon.
Nakatakdang gawin ito sa Setyembre 25 at Oktubre 9, alas-2 ng hapon, sa New NPS Building ng DOJ sa Padre Faura sa Maynila.
Kalakip din ng subpoena ang kopya ng reklamo at iba pang ebidensiyang isinumite ng mga nagrereklamo.
Sa preliminary investigation, susuriin ng mga prosecutor kung may sapat na batayan o probable cause para ituloy ang kaso sa korte. Matatandaang nag-ugat ang kaso sa alegasyong tinulungan ni Padilla si Senador Bato dela Rosa na makatakas sa protective custody ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14, 2026.