Screengrab from Ministry of Foreign Affairs of the Kingdom of Thailand Facebook Livestream
Sinimulan na ng Cambodia at Thailand ang pormal na pag-uusap upang tuluyan nang tuldukan ang kanilang deka-dekada nang maritime boundary dispute sa Gulf of Thailand.
Nitong Martes, dinaluhan nina Cambodian Foreign Minister Prak Sokhonn at Thai Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow sa Singapore ang conciliation process ng United Nations para sa pinag-aawayang 26,000 square-kilometer na katubigan.
Ayon sa Cambodian official, nais ng Phnom Penh na magkaroon ng isang tratado na nagtatatag ng isang maritime boundary sa pagitan ng dalawang bansa.
Bukas din aniya ang Cambodia sa isang kasunduan para sa joint development at pantay na hatian ng mga likas na yaman sa nasabing golpo.
Sa panig naman ni Sihasak, sinabi nito na ang proceedings ay limitado lamang sa maritime boundary delimitation at binigyang-diin na ang pakikipag-usap ng Bangkok ay “in good faith” salig na rin sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Matatandaang ilang taon nang may awayan ang Cambodia at Thailand sa mga teritoryo, kabilang ang nasabing katubigan na pinaniniwalaang may malaking na deposito ng langis.