Arestado ang dalawang pulis at tatlong sibilyan dahil sa umano’y bentahan ng recruitment slot sa Philippine National Police (PNP).
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, na nagkasa ng entrapment operation ang PNP sa San Fernando City, Pampanga matapos makatanggap ng report mula sa isang 29-taong gulang na aplikante.
Ayon kay Co, kinokontak ng grupo ang mga aplikante sa online at pinangangakuang makakapasok sila sa PNP kapalit ng bayad.
Nasa ₱250,000 ang unang hiningi nila, na bumaba sa ₱150,000 bago ang meet-up.
Matapos maaresto ay itinuro ng mga sibilyang suspek ang dalawang pulis na may ranggong tenyente na itinuturing na mastermind at isang patrolman.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery-extortion habang sinibak na rin sa puwesto ang dalawang sangkot na pulis na sasailalim sa summary dismissal proceedings.
Kinondena naman ni PNP Chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang naturang insidente.