📷 TESDA
Binigyang-diin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mahalagang papel ng technical-vocational education sa pagpapalakas sa larangan ng paggawa ng bansa habang nananatiling bata at produktibo ang populasyon ng Pilipinas.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate finance subcommittee ukol sa panukalang 2027 budget ng TESDA, ipinahayag ni TESDA Secretary Kiko Benitez ang commitment ng ahensya na ihanda ang mga manggagawang Pilipino sa harap ng mga makabagong teknolohiya at modernong ekonomiya.
“Kailangang masiguro natin na masusulit at magagamit natin ang ating demographic dividend dahil tumatanda ang Pilipinas bago pa man ito yumaman,” ani Benitez sa mga senador.
Ayon sa kalihim, nakahanda ang TESDA na itaas ang kalidad ng kasanayan ng mga mamamayan lalo’t tinatayang 25 porsyento ng mga trabaho ang patuloy na naiimpluwensyahan ng artificial intelligence (AI) at mga bagong pamamaraan sa pag-aaral.
Pagpapalawak ng Serbisyong Pampribado at Pampubliko
Upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa mga libreng pagsasanay, layunin ng TESDA na mas mapalawak pa ang suporta sa mga benepisyaryo nito. Sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 74 milyon hanggang 75 milyong Pilipino ang nasa working-age population, at kayang tumanggap ng TVET network ng hanggang 1.5 milyong trainees bawat taon sa pamamagitan ng libo-libong pampubliko at pribadong training centers sa buong bansa.
Para sa taong 2027, inilaan sa TESDA ang ₱20.9 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP). Humihiling ang ahensya ng karagdagang ₱5.7 bilyon upang mas marami pang mamamayan ang maabot ng tulong-pagsasanay.
Ang dagdag na suporta ay ilalaan para sa 162,656 pang benepisyaryo, pagpapalawak ng mga higher-level qualification courses, pagsasanay sa mga Senior High School Tech-Pro teachers, at mga programang pangkabuhayan at pangkalusugan sa mga barangay.
Pagtutulungan para sa Maayos na Pamamahala ng Pondo
Sa kaparehong pagdinig, inihayag ni Senador Erwin Tulfo ang kahalagahan ng mabilis at episyenteng paggastos ng pondo ng ahensya upang masiguro na ang bawat piso ay nakakarating sa mga mamamayan, matapos matukoy ang 68 porsyentong obligation rate at 45.2 porsyentong disbursement rate noong 2025.
Paliwanag ni Benitez, aktibong isinasagawa ng TESDA ang mga hakbang upang bumilis ang pagpoproseso at paglalabas ng pondo bago matapos ang taon, partikular tuwing Nobyembre at Disyembre kaugnay ng iskedyul ng mga pagbubukas ng klase at paglalabas ng Special Allotment Release Order (SARO).
Tiniyak din ng TESDA na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Commission on Audit (COA) at ipinapatupad ang mga rekomendasyon nito upang lalong mapagtibay ang integridad at pananalapi ng mga provincial at district offices ng ahensya.