Pangungunahan ng Pilipinas ang pagtalakay ng mga bansa sa ASEAN para sa mas napapanatiling pamamahala ng basura, sa pamamagitan ng ASEAN Regional Dialogue on Circular Economy sa September 22 hanggang 23 sa Makati.
Layunin ng dalawang araw na pagpupulong na ilipat ang rehiyon mula sa nakasanayang “take, make, dispose” na modelo tungo sa sistemang nakatuon sa pag-reuse, pagre-recycle, at mahusay na paggamit ng likas na yaman.
Tatalakayin ng mga policymakers, pribadong sektor, at civil society ang mga polisiya ng bawat bansa, papel ng lokal na pamahalaan, Extended Producer Responsibility (EPR), at mga paraan ng pagpopondo para sa circular economy.
Bibigyang-pansin din ang mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs, gayundin ang mga informal waste workers, upang matiyak na walang maiiwan sa pagbabago ng sistema ng pamamahala ng basura.
Maglalabas ang ASEAN ng Chair’s Summary na naglalaman ng mga pangunahing rekomendasyon at prayoridad para sa pagpapatupad ng circular economy. Inaasahang magsisilbi itong gabay sa ASEAN Circular Economy Forum sa October at sa paghahanda sa 49th ASEAN Summit sa Maynila ngayong November.