Isusulong ng Department of Agriculture at Philippine Space Agency ang paggamit ng satellite technology at artificial intelligence para mas mabilis matukoy ang pinsala sa mga sakahan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., gagamitin din ang teknolohiya para mapabuti ang pagpaplano sa irigasyon at iba pang programa sa agrikultura.
Sa ilalim ng limang-taong kasunduan, gagamitin ang satellite data sa agriculture, fisheries, disaster response, at climate-resilient planning.
Kabilang dito ang pag-monitor sa mga pananim, pagmamapa ng baha at tagtuyot, at pagtataya ng ani.
Tutukuyin din ang mga lugar na apektado ng peste at sakit, kondisyon ng lupa, at potensyal na lugar para sa pangingisda at aquaculture.
Sinabi ng Kalihim na magbibigay ang PhilSA ng satellite data at technical expertise, habang magsasagawa naman ang DA ng field validation para matiyak ang accuracy ng datos.