Nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila de Lima na gawing permanente sa batas ang pag-aalis ng VAT sa allowable system loss charge sa kuryente.
Ito ay kasunod ng memorandum circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nag-aalis ng VAT sa naturang singil.
Ayon kay De Lima, welcome ang hakbang ng BIR pero kailangan pa rin ng batas para maging malinaw at hindi basta-basta mabawi ang proteksiyong ito para sa mga consumer.
Kaugnay nito, isinusulong niya ang pagpasa ng House Bill 10676 na nag-e-exempt sa system loss charges sa VAT.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan din ang Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking hindi ipapasa sa consumers ang mababang tax liability sa pamamagitan ng iba pang charges o pass-through mechanisms.
Kasabay nito, nanawagan si De Lima para sa agarang pagpasa ng House Bill 10677 na nagbabawal naman sa distribution utilities na maningil sa consumers ng anumang gastos dahil sa non-technical losses.