Personal na tinanggap ni dating Vice President, ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo, ang mahigit 25 milyong pisong halaga ng mga medical equipment na donasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Pinangunahan ni PCSO General Manager Mel Robles ang pagbibigay ng donasyon ng mga kagamitang medikal sa kasagsagan ng mga pagdiriwang kaugnay ng Peñafrancia Festivities.
Ayon kay Mayor Robredo, itinuturing na “critical source” ng mga Pilipino ang PCSO na humaharap sa malaking gastusin sa kanilang pagpapagamot.
Kabilang sa natanggap na tulong ng nasabing ospital ang digital stationary X-ray machine, ultrasound machine at 2D echocardiogram machine sa ilalim ng Medical Equipment Donation Program (MEDP) ng PCSO.
Sa pamamagitan nito, sinabi ni Robles na makatutulong ang mga naturang kagamitan para mapagsilbihan ang mas maraming taga-Naga nang hindi na kailangang pumunta sa mga pribadong ospital. Malaki rin ang magiging papel ng mga naturang kagamitang medikal para maiangat ang ospital sa Level 2 accreditation mula sa Department of Health (DOH).